Baro a libro dagiti mannurat nga Ilokano: sarita-Ilokano naipatarus iti Tagalog

Rimmuaren iti imprenta ti sabali pay a libro dagiti sarita dagiti mannurat nga Ilokano nga itoy a gundaway, naipatarus dagitoy iti Filipino.

Buklen ti nasao a libro, ti Samtoy, Dagiti Saritami Ditoy, Ang Aming Mga Kuwento, ti sangapulo ket tallo a sarita ken naipablaak babaen ti tulong (partial grant) ti National Commission for Culture and the Arts (NCCA).

Impatarus ni Ariel S. Tabag, Showbiz ken Poetry Editor ti Bannawag, nairaman iti libro dagiti sarita dagiti agkabannuag a mannurat a pakairamanan da Juan Al. Asuncion (Literary Editor ti Bannawag), Arnold Pascual Jose, Aileen R. Rambaud, Joel B. Manuel, Daniel L. Nesperos, Noli S. Dumlao, Danilo B. Antalan, Roy V. Aragon, Sherma E. Benosa, Prodie Gar. Padios, Neyo E. Valdez, Mighty C. Rasing, ken ti nagipatarus.

Nailungalong ti nasao a proyekto a kas pangipatawayan dagiti mannurat nga Ilokano iti sangkailian a Filipino kadagiti gapuananda.

Daytoy ti introduksion ti libro:

Mula Sa Tagasalin

BUKOD sa Saluyot, na hango sa isang gulay na madalas ulamin ng mga Ilokano, Samtoy ang isa pang tawag sa mga Ilokano. Sa katunayan, Samtoy din ang isa pang tawag sa mismong wika ng mga Ilokano, bukod sa Iloko, Iluko at Ilokano. Mula ito sa pinaghalong “saomi ditoy” na ang literal na kahulugan ay “salita namin dito.” 

Sa proyektong ito, ang Samtoy ay “dagiti saritami ditoy” o “ang mga kuwento namin dito.”

Kagaya ng iba pang mga panitikan sa Filipinas, maliban sa Panitikang Tagalog/Filipino, mabibilang sa daliri ang mga naisasaling akda ng mga Ilokano sa Ingles man o sa Filipino, ang Pambansang Wika. At ipinagmamalaki namin na bukod sa mga nasusulat sa Tagalog, ang mga nagsasalita sa Ilokano ay may pinakamaraming pampanitikang akda na nasusulat sa sariling wika. Maraming salamat sa Bannawag, ang lingguhang magasin ng mga Ilokano na nagsimula nang maglimbag ng mga maikling-kuwento, nobela, tula at iba pa noon pang 1934. Bukod dito, marami pang mga magasing lumutang (at naglaho rin kinalaunan) at naglimbag sa mga akdang Ilokano. 

Kung kaya ang proyektong pagsasalin na ito. 

Sa pag-ako namin ng pangangailangan ng pagsasalin para maiambag din namin ang Panitikang Ilokano sa mga hindi Ilokano, ito ay isang napakasalimuot ngunit masayang paglalakbay. At sa paglalakbay na ito, magmumula kami sa Amianan— ang Ilokandia, ang pook ng mga Ilokano— patungo sa Panitikang Pambansa, sa Panitikang Pandaigdig. Kung kaya, ang pinakauna naming mararating ay ang Wikang Pambansa, ang Filipino.

Isa nga lamang panimula ito. O isa sa mga panimula dahil nga naman may mga ilan nang naunang koleksiyon ng mga kuwentong Ilokano na naisalin sa Filipino at Ingles. Isang mumunting simulain na binubuo ng labing-tatlong kuwento. At mula pa sa panulat ng mga kabataan o mas nakababatang manunulat na Ilokano. 

Gayong malalayo pa rin ang agwat ng mga edad ng mga kuwentista, hinango namin ang mga kuwentong nasulat o nalathala nitong nakaraang dekada 2000. Gayunman, ang mga kuwento ay hindi lamang ang mga nangyari o tungkol sa buhay Ilokano nitong dekada 2000. Dahil nga naman kulturang Ilokano ang tinatalakay, may mga nagkuwento sa kanilang kanunuan. 

Pinagsunod-sunod namin ang mga kuwento na parang dinadala namin ang mambabasa sa isang photo exhibit— at kami naman ang nag-eksibit. 

May kanya-kanyang kamera ang labing-tatlong kuwentistang napasama sa koleksiyong ito, na ginamit sa pagkuha ng mga larawan. May mga gumamit ng makabagong kamera, na mapipili kung close up ba o panoramic ang shot. May mga nag-ayos pa sa Photoshop. Mayroon ding gumamit ng lumang kamera. May mga minabuting black and white ang lumabas na larawan. At mayroon ding mga walang kamera subalit nakapag-ambag pa rin sa proyekto sa pamamagitan ng paghalukay sa luma at pinakaiingatang larawan sa baul. 

At bilang isang potograpo, may kanya-kanyang panlasa kung alin ang mas magandang anggulo para sipatin ang Amianan. 

At bilang isang potograpo, may mga pagkakataong ang mapasama sa isang exhibit ay hindi iyon ang pinakahusay na kuha— naririto lamang ayon sa hinihiling ng exhibitor na inaayos lang naman din ang eksibit ayon sa tema o konsepto ng naturang eksibit.

Magkakaiba man ang hitsura ng kuha, o ang pamamaraan ng pagkuha, iisa lang ang pakay ng mga larawang inilalahad sa eksibit na ito, isang pagpapasulyap sa buhay, kalinangan, paniniwala, at kaluluwang Ilokano. Pagpapasulyap sapagkat kami rin mismong mga Ilokano, hindi pa man din lubusang nakukuhaan ang kabuuan nitong nilalang na tinawag na Ilokano.

Kagaya ng nabanggit ko, isa itong panimula. Marami pang ibang akda o larawan ng Amianan na likha ng mga nakababata at medyo may edad na manunulat. At maaaring mas “magandang kuha” pa ang iba at mas makulay at makabuluhang kalinangan ng mga Ilokano.

Kung kaya sa mga hindi nasama sa proyektong ito, paumanhin at kailangan na may mauna, na maaaring maghahawan sa landasin.

Maraming salamat sa Liwayway Publishing Corporation (nagsara na) at Manila Bulletin Publishing Corp. na naglilimbag ng Bannawag kung saan lumabas ang karamihan sa mga isinaling kuwento; at sa mga palihang pampanitikan kung saan nanalo ang ilang mga kuwento: Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature, Komisyon sa Wikang Filipino, Reynald F. Antonio Awards for Iluko Literature, SABALI (Savella Baclig Literary) Awards, at Premio Duque.

Maraming salamat kina Appo Cles B. Rambaud at Juan Al. Asuncion ng Bannawag, Perry C. Mangilaya ng Liwayway, at si Junley Lorenzana Lazaga ng UP Baguio na tumulong sa teknikal na aspekto ng aklat. 

Maraming salamat din kina Appo Jose A. Bragado, Honor Blanco Cabie at Baldovino Ab. Valdez na tumulong sa pagsusulong ng proyektong ito. 

Lubos na pasasalamat sa pamunuan ng National Commission for Culture and the Arts sa pagbibigay ng pagkakataong maisalin at mailathala ang mga kuwentong Ilokano.

At sa mga kabataang manunulat na kabilang sa koleksiyong ito, maraming salamat sa pagtitiwala.

Bilang pangwakas, nais kong ulitin na may mas malawak at makulay pang tanawin ng Panitikang Ilokano na naghihintay sa mga manunulat at tagasalin para mailahad at maipakita ang mga ito sa Filipinas at sa buong mundo.

Samantala, narito ang aming labintatlong kuwento… 

ARIEL S. TABAG
Old Balara, Quezon City
Nobyembre 25, 2011

 

 

This entry was posted in books, culture, fiction, history, ilokano, ilokano people, language, short story, writers and tagged , , , , , , , , . Bookmark the permalink.



Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *